MANILA, Philippines – Tinanggihan ni Justice Secretary Leila De Lima ang hiling ng abogado ni Janet Lim Napoles na magkaroon ng isang independent fact-finding body na mag-iimbestiga sa kinasasangkutan nitong scams.
Kaugnay ito ng naging pahayag ng abogado ni Napoles na si Attorney Lorna Kapunan na dapat bumuo ng isang independent body na mag-iimbestiga ng bukod sa pork barrel at malampaya fund scams.
Ayon kay Secretary De Lima, walang karapatan ang kampo ni Napoles na diktahan ang DOJ at NBI tungkol sa dapat nitong gawin.
“With all due respect to Atty. Lorna, it’s not for any party, especially those who are subjects of investigation, to impose or dictate on NBI/DOJ on what to do.”
Tiniyak naman ni De Lima na magiging patas sa lahat maging kay Napoles ang kanilang imbestigasyon.
“May I assure Atty. Lorna, her clients and the public of a fair, objective and thorough probe by the NBI, as always.”
Sa ngayon ayon sa kalihim ay dinagdagan pa ang bilang ng tauhan ng DOJ at NBI na nagsasagawa ng imbestigasyon at pagsusuri sa mga ibinunyag ng whistleblower. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)