MANILA, Philippines — Patuloy na gumagawa ng paraan ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng pangunahing kaalaman ang taumbayan sa iba’t–ibang uri ng investment scam na kumakalat ngayon sa internet o social media.
Ayon kay Presidential Communication Operations Office Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr., pinaiigting na ng Department of Trade and Industry (DTI) at Securities and Exchange Commission (SEC) ang kampanya para mabigyang babala ang publiko sa mga pyramid o investment scam na kumakalat ngayon.
Dagdag ng kalihim, marami nang ulat ang natanggap ng DTI kaugnay ng mga online scam sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa.
Ilang advisory o mga babala na rin ang inilalabas ng SEC kaugnay ng mga korporasyon na hindi naman rehistrado at ilegal na nagso-solicit ng investment mula sa publiko.
Ayon sa SEC, kung may mag-aalok ng investment na may malaking tubo, suriin muna itong mabuti at alamin kung rehistrado o may lisensya mula sa Securities and Exchange Commission.
Kung hindi nakakatiyak na ini-aalok na investment offer mas mabuting kumunsulta o magtanong sa SEC.
Nanawagan naman ang Malakanyang sa taumbayan na maging mapagmasid, pag-aralang mabuti ang mga ini-aalok na mga investment proposal na nangangako ng napakataas na kikitain o tutubuin, dahil posibleng ito ay scam. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)
The post Malacañang, muling nagbabala sa mga kumakalat na investment scam sa internet o social media appeared first on UNTV News.