MANILA, Philippines — Bumaba ng mahigit 50 porsyento ang kaso ng carnapping sa Metro Manila sa nakalipas na buwan.
Ayon kay Highway Patrol Group (HPG) Spokesperson Police Supt. Elizabeth Velasquez, umabot lamang sa 64 ang kaso ng carnapping nitong Hulyo kumpara sa 141 noong isang taon.
“Ito yung malawakan naming campaign against carnapping na na-neutralized na carnapping group at least 12, at tinitingnan na lang natin ngayon ayyung mangilan-ngilan na carnap vehicles at mariin naming tinututukan yan.”
Pinag-iingat naman ng opisyal ang mga negosyante ng rent a car sa bagong modus ng mga carnapper kung saan tinatarget ang mga mamahaling sasakyan.
Ayon kay Vasquez, isang range rover na nagkakahalaga ng P8.8 million ang natangay habang tini-test drive dalawang linggo na ang nakakaraan.
Tinangka ding itakas ang isa pang Lexus na nagkakahalaga naman ang P4.4 million sa Global City, Taguig.
“Mga english speaking sila, well dressed at magaling makipag-usap, kaya maniniwala ka kasi para talaga silang totoong buyer ng car, yun pala bogus din kaya kelangan talaga ang pag-iingat,” pahayag pa ng opisyal.
Samantala, nagbabala naman ang Highway Patrol Group sa mga tauhan nito na huwag gumamit ng mga na-rekober na mga carnapped vehicle upang hindi maalis sa puwesto.
Base sa PNP standard operating procedures # 2013-001, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit sa mga recovered na sasakyan.
“They will face summary hearing proceedings to the extent of dismissing them to the police service.” (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)