MANILA, Philippines — Simula Setyembre 8 hanggang 22 ay kailangang makapagpadala ng text blast at impormasyon ang lahat ng telco na nagbababala sa mga customer nito hinggil sa mga kumakalat na text scam.
Libre itong ipapadala ng mga telco sa P115 milyong subscriber sa buong bansa.
Inatasan rin ang mga telco na i-post rin sa mga social networking site ang babala upang mas marami ang makaalam.
Ayon sa National Telecommunication Commission o NTC mayroong tatlong uri ng text scam.
Ang isa rito ay ang tinatawag na “panalo sa raffle” text scam.
Ito ay mga text scam kung saan sinasabi na ikaw ay nanalo sa raffle at hinihikayat kang mag reply sa mga message nang sa gayon ay maibigay mo ang personal na impormasyon at magpadala ng load kung kinakailangan.
Isa pang uri ay ang “kamag-anak/kaibigan-paload” text scam.
Ito ay nanggagaling muli sa mga 11-digit prepaid number kung saan ang mga nagpapadala ay nagpapanggap na kamag-anak o kaibigan.
Isa pang halimbawa ay ang “pasa/nakaw-load” text scam.
Ito ay scam na hindi mo namamalayan na nakakapag-send ka na pala ng load, gaya ng pasaload sa Smart, share-a-load sa Globe at give-a-load sa Sun.
Sina Erika Arazas, nabiktima na ng text scam, limang libong piso ang nakuha sa kanila sa pag-aakalang tiyuhin nilang OFW ang nag-text.
May bago raw negosyo sa abroad ang kanyang tiyuhin at may kailangang pa-loadan.
Ani Erika, “Nung ginalaw na namin yung pera P5,000 yun na pinaloadan namin sa kanya. Nung na-load na namin sa kanya hindi na siya nag-reply.”
Sina Aling Babe naman, halos tatlong linggo ng kinukulit ng text scammer kung kaya’t inireport na nila sa DTI at NTC, “ang ginawa ko ni-report ko tinanong ko sa DTI kasi ginamit nya pangalan ng DTI… inadvice nya rin na i-report sa NTC para ma-block nila ang number.”
Aminado ang NTC na hindi madaling mahuli ang mga text scammer dahil walang pagkakakilanlan sa mga ito.
Ani NTC Director Engr. Edgardo Cabarios, “Wala po silang identity, marami surveillance ang kailangang gawin diyan so medyo matagal.”
Ang maaaring gawin ng mga nakakatanggap ng text scam, ipakita sa NTC ang ang text upang agad na maipa-block ang numero ng scammer.
Bukod dito, nagpapadala na rin ng load confirmation prompt ang mga telco bago magpadala ng load ang subscriber sa isang numero.
Ang isang pinaka epektibong solusyon na gagawin ng NTC ay ang isulong ang sim card registration na sa ngayon ay sinusuportahan na ng isang house at senate bill. (RAMON JOCSON / UNTV News)
The post Mga telecommunications company, inatasan ng NTC na bigyang babala ang mga customer nito hinggil sa text scam appeared first on UNTV News.