MANILA, Philippines — Umakyat na sa pito ang bilang ng mga namatay, habang pito rin ang nasugatan dahil sa paghagupit ng Bagyong Labuyo sa bansa.
Kabilang sa mga nasawi sina Jomar Silicon, Reynaldo Dela Cruz, Alvin Sesante, Nelson Fuentes, Samson Dimante, Romeo Gonzales at Benie Almario Labios.
Karamihan sa mga ito ay nasawi dahil sa pagkalunod at inanod ng flash floods.
Nangangamba naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na tumaas pa ang bilang ng mga nasawi dahil mayroon pang lima na patuloy na pinaghahanap.
Kabilang sa mga nawawala sina Julio Balanoba, Jonar Villeno, Orlando Candelaria, Danilo Tulay, at Aristotle Pestano.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa 45,249 pamilya ang naapektuhan ng bagyo na nakakalat sa 83 evacuation centers sa iba’t ibang lugar.
Umabot rin sa 5,868 mga bahay ang nasira at 13 mga tulay ang hindi madaanan sa Region 2 at Region 3, habang bumagsak rin ang komunikasyon dahil sa mga nasirang poste at cell sites.
Halos isang bilyong piso naman ang halaga ng iniwang pinsala ng bagyo sa imprastraktura at agrikultura.
Sa ngayon ay umabot na sa 5 ang mga bayan at lalawigan na nagdeklara ng state of calamity kabilang dito ang bayan ng Candelaria, Sta Cruz, at Masinloc sa Zambales, mga probinsya ng Aurora at Quirino.
Sa ngayon ay patuloy na ang pamimigay ng tulong ng pamahalaan, LGU’s at ilang NGO’s sa mga apektadong lugar sa bansa. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)