MANILA, Philippines — Hindi bomba ang sanhi ng pagsabog sa Wilson Street, San Juan noong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, walang nakita ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team na secondary devices at crater na karaniwang nakikita kapag likha ng bomba o improvise explosive device.
Dagdag pa ni Roxas, posibleng gas explosion ang nangyari ngunit inaalam pa kung saang establisyimento nagmula ang gas leak.
“Chineck din nila kung may crater o mga ebidensya na pangkaraniwang nakikita sa pagsabog ng bomba, wala naman silang nakita… yung mga aso na umikot hindi rin nagbigay ng indikasyon na bomba…”
Dagdag pa ng kalihim, “sa indikasyon ng EOD, hindi bomba at maaari na gas related ito.”
Magugunitang umabot sa pito ang nasugatan sa naganap na pagsabog.
Kabilang sa mga biktima sina Allan Cabana Maurie at Julius Ras na pawang mga empleyado ng laundry shop malapit sa restaurant, at si Jaime Arvin Tacdoro na nananatili pa rin sa ospital dahil sa tinamong sunog sa katawan.
Sa kasalukuyan ay bukas na sa mga motorista ang Wilson Street na isinara dahil sa naganap na pagsabog. (UNTV News)