BATANGAS, Philippines — Sa kabila ng malakas at patuloy na pag-ulan dahil sa Bagyong Maring, tuloy pa rin ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Batangas Port.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), normal pa rin ang sitwasyon sa nasabing pantalan dahil wala pang itinataas na babala ng bagyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa kabila nito, pinapayuhan ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil sa malalaking alon sa dagat sanhi ng bagyo na sinabayan pa ng habagat.
Sa ngayon ay nakaalerto na ang Provincial at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC/MDRRMC) sa posibleng maging epekto ng hanging habagat at Bagyong Maring sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Patuloy ring nagpapaalala ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas na mag-ingat at maging mapagmatyag lalo na sa mga nakatira sa itinuturing na danger zone sa posibleng pagguho ng lupa o landslide at flashflood.
Ngayong araw ay kanselado na ang pasok sa pre-school at grade school sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa buong lalawigan. (Reymar Origenes / Ruth Navales, UNTV News)