MASBATE CITY, Philippines — Bukod sa Naga City, pinangunahan rin ni Camarines Sur Rep. Maria Leonor “Leni” Robredo ang paggunita sa unang anibersaryo ng pagkamatay ng kaniyang asawa na si DILG Secretary Jesse Robredo nitong Sabado sa Masbate City.
Gamit ang dalawang barko ng Philippine Navy at ilang sasakyan pandagat, tinungo ng grupo ang mismong crash site kung saan bumagsak ang eroplano ng dating kalihim.
Naghulog rin ng tombstone o lapida sa crash site ang pamunuan ng pamahalaang panlalawigan ng Masbate bilang pag-alaala sa namayapang kalihim.
Nauna rito ay nagsagawa muna ng pre-diving ang Philippine Coast Guard (PCG) noong Biyernes upang malaman kung saan ilalagay ang boya na pinakapalatandaang lugar sa pinagbagsakan ng eroplano.
Matatandaang bumagsak ang Piper Seneca plane na sinasakyan ni Robredo noong August 18, 2012 sa karagatang sakop ng Masbate.
Kasamang nasawi sa trahedya ang piloto ng eroplano na si Jessup Bahinting at ang Nepalese student pilot na si Chitiz Chand. (Gerry Galicia / Ruth Navales, UNTV News)