MANILA, Philippines — Matapos ang eleksyon, sisimulan na ng Department of Education (DepED) ang Brigada Eskwela sa Lunes, Mayo 20, 2013.
Ayon kay DepED Spokesperson Asec. Tonisito Umali, ito’y bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa lahat ng pampublikong eskwelahan sa bansa sa Hunyo 3.
“Tayo po’y handang-handa, magkakaroon po tayo ng Brigada Eskwela ngayong May 20-24, ito po’y programa ng DepED at ika-10 taon na po ito.”
Nananawagan din si Umali sa lahat ng mga magulang at estudyante na tumulong sa ginagawa ng mga guro na paglilinis ng mga classrooms, desk at upuan bago magsimula ang klase sa susunod na buwan.
“Ang atin pong komunidad, lider ng lipunan, mga kasamahan sa barangay, mag-aaral, magsasama sama yung espiritu ng bayanihan na papairalin natin upang maglinis, magpintura para mas maganda ang ating paaralan,” pahayag pa ni Umali.
Bukod sa taunang paglilinis, tiniyak din ng DepED na handang-handa na sila sa darating na pasukan. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)