SHANGHAI, China – Sinimulan nang ipatupad ang Anti-Smoking Law sa China alinsunod sa kampanya ng World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control.
Ngunit ayon kay dating Health Minister Huang Jiefu, walang ngipin ang naturang batas dahil mismong ang mga tagapagpatupad nito ang lumalabag.
Ang mga naging prime minister ng bansa na sina Mao Zedong at Deng Xiaoping ay kilalang mga heavy smoker.
Samantalang ang kasalukuyang premier na Si Xie Jinping ay naging kontrobersiyal pa sa kaniyang research na naglalaman ng pamamaraan kung paano umano mababawasan ang masamang epekto ng tar kapag naninigarilyo.
Nangunguna ang bansang China sa talaan ng pinakamaraming active smokers sa mundo.
Ayon sa survey, umaabot sa 300 million Chinese ang naninigarilyo at karamihan sa mga ito ay mga lalake.
Ang mga kababayan nating Pilipino, dismayado rin sa dagdag na polusyon at walang disiplinang paninigarilyo sa China.
Ayon sa OFW na si Nick Awat, halos walang epekto ang bagong batas kaugnay sa paninigarilyo.
“Yong bagong batas ng paninigarilyo, ganun parin naman sila sigarilyo pa rin kahit saan, restaurant, elevator. tingin ko nga mas dumadami pa ang naninigarilyo kung saan saan lng sila nagsisigarilyo.”
Ayon naman kay Armando Gandela, “hangga’t maaari ay ipagbawal at ipatupad ang batas na kailangan madisiplina ang mga naninigarilyo.”
Samantala sa Shenzhen, China ay hinigpitan pa ang pagpapatupad Anti-Smoking Law.
Mula sa 20 RMB ay tumaas sa 500 RMB o P3,500 ang multa sa mahuhuling naninigarilyo sa mga lugar na ipinagbabawal.
Habang 30,000 RMB o P210,000 naman ang babayaran ng anumang kumpanya na nagtitinda o nagpapahintulot ng paninigarilyo sa mga non-smoking areas. (Dulce Alarcon / Ruth Navales, UNTV News)