KUWAIT — Kinukupkop ngayon ng Philippine Embassy sa Kuwait ang isang pamilya matapos humingi sa ng tulong upang makauwi agad ng Pilipinas.
Napahiwalay ang Pilipina na si Rowena Maningo Bazan sa asawang Syrian kasama ang anim na anak nang madeport ang kanyang mister matapos mawalan ng trabaho at mag-expire ang visa.
Kwento ni Rowena, labing anim na taon na siya sa Kuwait at kasalukuyang walang visa kaya nais na lamang niyang umuwi sa Pilipinas.
“Humuhingi po ako ng tulong sa gobyerno natin para na lang po sa mga anak ko, kasi po hindi ko kaya anim po sila.”
Samantala, nababahala naman si Rowena dahil naghahabol sa kustodiya ng kanyang mga anak ang pamilya ng kanyang asawa.
Aniya, mas nanaisin nitong umuwi sa Pilipinas kaysa pumunta ng Syria dahil na rin sa nangyayaring gulo doon ngayon.
“Sa gulo ngayon sa Syria gusto ko po i-safe ang aking mga anak, lalo pa’t ang daming mga bata maraming namamatakasi po yung asawa ko pinipilit po nya ako na iuwi sa Syria.”
Tiniyak naman ni Consul General Raul Dado ng Philippine Embassy na gagawin nila ang lahat upang makauwi sa Pilipinas ang mga bata kasama ng kanilang ina, subalit dadaan pa ito sa proseso na mangangailangan ng pagsang-ayon ng korte ng Kuwait.
“Yung Syrian family they wanted to challenge the situation so para walang gulo nagpunta tayo sa Syrian consul, Syrian embassy to learn kung ano ang batas ng Syria and apparently ang sabi ng Syrian consul ang batas ng Syria yung father ang may custody, so it’s very classic example of each national law isang batas ng Syria isang batas Philippines.” (Sonny Delos Reyes / Ruth Navales, UNTV News)