MANILA, Philippines — Hindi dumalo ang mga inaakusahang senador sa imbestigasyon ng senado kaugnay sa maling paggamit ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel.
Kabilang sa mga hindi dumalo sina Senador Juan Ponce Enrile, Sen. Tito Sotto, Sen. Gregorio Honasan, Sen. Bong Revilla, Sen. Bong Bong Marcos, at Sen. Lito Lapid.
Si Senador Jinggoy Estrada naman na kabilang sa inaakusahan ay dumalo ngunit nagbasa lamang ng kanyang statement upang magpaalam na mag-eexcuse sa naturang pagdinig.
Ayon kay Estrada, kaisa ito sa pagkilala ng kahalagahan ng usapin patungkol sa pork barrel at iba pang mga ginagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayaw na rin umano ng senador na maging dahilan upang maapektuhan ang proceedings ng Senado lalo’t kasama ang pangalan nito sa isyu.
Ayon pa sa senador, makakaasa ang taumbayan na katuwang ito sa pagsasa-tama ng mali at pagsasa-ayos ng tiwali.
Samantala, isa-isa namang iprinisinta ni Commission on Audit Chairperson Gracia Pulido Tan ang mga non government organization at implementing agencies ng pork barrel mula sa mga mambabatas.
Kabilang din dito ang mga senador na nagbigay ng kani-kanilang pork barrel sa mga naturang organisasyon ukol sa agricultural kits.
Ayon sa COA, kinukumpirma nina Senador Juan Ponce Enrile at Sen. Bong Revilla ang kanilang mga pirma sa mga nasabing transaksyon, ngunit bigo namang kumpirmahin ni Senador Jinggoy Estrada ang mga transakyon kung saan nababanggit ang kaniyang pangalan.
Pinapupunta naman ni Senador Chiz Escudero sa susunod na pagdinig sina Janet Lim Napoles at Benhur Luy.
Kasama rin sa mga pinadadalo ang mga opisyal mula sa National Agribusiness Corporation (NABCOR), Technology Resource Center (TRC), National Livelihood Development Corp. (NLDC), Zamboanga Del Norte Rubber Estate Corp. (ZREC) at Philippine Forest Corporation at Department of Agriculture (DA). (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)