TACLOBAN CITY, Philippines — Tumaas ng tatlong daang porsiyento ang kaso ng dengue sa Eastern Visayas.
Base sa datos ng Department of Health (DOH) Region 8, mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, umabot na sa halos dalawang libo at limang daan ang kaso ng dengue sa rehiyon.
Ayon kay Leonido Olobia, pinuno ng Vector-Borne Disease Control Program, pinakamaraming naitalang kaso sa Tacloban City na may 713 kaso, sinundan ito ng Guiuan, Eastern Samar na may 120 cases.
“There is already a transovarial transmission in the Philippines, in Cebu particularly mayron pong study ginawa na yung mga larva mayron na silang viruses ng dengue, ibig sabihin ‘pag naging lamok sila isang kagat lang nila mayron na silang pwedeng matransmit.”
Sa pagdami ng mga dengue carrying mosquito sa rehiyon, hindi umano nararapat na dumepende ang publiko sa mga health workers at barangay official sa paglilinis ng kapaligiran.
Mas malaki aniya ang maitutulong kung sa bawat tahanan ay magkaroon ng responsibilidad ang bawat mamamayan na palagiang maglinis ng kapaligiran.
“Kasi ang dengue wala siyang gamot , there is no cure, kaya it relies to the behavioral change. Dengue control is a way of life ng mga tao, dapat titingnan mo ang surroundings mo araw-araw, ganun siya ka-challenging,” dagdag pa ni Olobia. (Jenelyn Gaquit / Ruth Navales, UNTV News)