MANILA, Philippines — Itinaas sa pinakamataas na alarma ang sunog na tumupok sa isang libong bahay sa Yuseco Street Corner Dagupan Extension, Gagalangin, Tondo, Maynila pasado alas tres ng madaling araw nitong Biyernes, Enero 01, 2016.
Ayon sa Bureau of Fire Protection nagsumula ang apoy sa bahay ng nagngangalang Louie Basa.
Sa lakas ng apoy maging ang mga bumbero ay napaatras sa pangambang madamay na masunog ang kanikanilang fire truck.
Ayon kay Nanay Milagro Agapito, isa sa mga nasunugan, nagsimula ang apoy sa bandang gitna ng mga bahay na karamihan ay gawa sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Isang lalaki naman ang agad na isinugod ng ambulansya matapos na mahulog umano sa bubog habang sinusubukang apulahin ang apoy.
Kanya kanyang hakot ang mga nasunugang residente ng gamit maaari pang maisalba subalit ang iba wala nang nagawa kundi panoorin na lang na nasusunog ang kanilang mga tahanan.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng apoy at kabuuang halaga ng tinupok ng sunog.
Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
Alas siyete ng umaga ng ideklarang fire out ng Bureau of Fire Protection. (BENEDICT GALAZAN / UNTV News)
The post Nasa isang libong bahay nasunog sa Tondo, Manila sa unang araw ng 2016 appeared first on UNTV News.