QUEZON CITY, Philippines — Tuloy ang transaksyon sa Camp Crame para sa aplikasyon ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Ito’y kahit na umiiral na ang Commission on Election (COMELEC) gun ban.
Ayon kay PNP-PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, hindi naman kasama sa gun ban ang pagkuha ng LTOPF at maging ang aplikasyon ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence o PTCFOR.
Ani Mayor, “The normal processing ng documents is ongoing, tuluy-tuloy lang po, ang restricted dito is the movement, transfer from one place to another, carrying, bearing yung ang pinagbabawal but the processing of papers at normal lang.”
Nilinaw ni Mayor na sakaling maaprubahan ang LTOPF at PTCFOR application ay hindi pa rin maaaring makapagdala ng baril ang isang indibidwal.
Ito’y dahil ngayong election period, ang COMELEC ang may kapangyarihan na magbigay pahintulot sa isang gun owner upang makapagdala ng baril outside of residence.
“Election period tayo. The COMELEC is in charge of all the activities of the government, yung electoral process natin,” ani Mayor.
Sa ilalim ng COMELEC gun ban, tanging ang mga law enforcer tulad ng pulis at sundalo na naka duty ang pinapayagang magdala ng baril.
Sakaling mahuli, ayon kay Mayor, maaaring makasuhan ng paglabag sa Omnibus Election Code at makulong ng isa hanggang anim na taon, di na makaboboto at hindi na rin makahahawak ng ano mang posisyon sa gobyerno. (LEA YLAGAN / UNTV News)
The post Application ng LTOPF at PTCFOR, tuloy kahit may gun ban appeared first on UNTV News.