MANILA, Philippines — Hihintayin muna ni Justice Secretary Leila De lima na makumpleto ang report ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pork barrel scam bago ipatupad ang nakaambang major revamp sa pamunuan ng ahensiya.
Ayon sa kalihim, prayoridad nila sa ngayon ng NBI na makapaghain ng reklamo sa Ombudsman.
“Yun talaga ang pinaka-priority ngayon ng NBI. Gusto muna naming tapusin yan para ma-turn over na sa Ombudsman and then pwede nang gawin namin yung mga yan.”
Ayon pa kay De Lima, hindi limitado sa mga deputy director ng NBI ang gagawing revamp dahil may iba pang mga posisyon na tatamaan ng rigodon.
Samantala, sa isinagawang pulong ng pamunuan ng NBI kanina, nanindigan ang ilang deputy director ng ahensya na hindi sila magbibitiw sa pwesto
Kasama sa pulong sina Deputy Directors Virgilio Mendez, Reynaldo Esmeralda, Ruel Lasala at Rickson Chiong.
“We cannot compel them to resign. But that cannot deprive also us to undertake any major revamp within the bureau,” ani De Lima.
Sa kasalukuyan ay si Justice Secretary De Lima muna ang tumatayong officer in charge ng ahensiya matapos tanggapin ng palasyo ang pagbibitiw ni NBI Director Nonnatus Rojas.
Ayon sa kalihim, may mga napipisil na siyang irekomendang pumalit sa nabakanteng pwesto ni Rojas ngunit tumanggi muna itong pangalanan.
Una nang sinabi ni De Lima na mas makabubuti kung manggagaling sa loob ng NBI o sa DOJ ang susunod na pinuno ng ahensya. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)