MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin sa Barangay Elections sa Oktubre 28.
Ayon kay Commissioner Luie Tito Guia, natapos na ng National Printing Office (NPO) ang printing para sa lahat ng election returns, certificate of canvass, at statement of votes na gagamitin sa manu-manong bilangan.
Noon Miyerkules ng gabi, sinimulan na ang 28-day ballot printing period para sa mahigit 52 milyong balota na kakailanganin sa halalan.
Target ng COMELEC na limang araw bago ang halalan ay maipadala na ang lahat ng election paraphernalia sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang hindi na maulit ang nangyaring delay noong 2010 barangay elections.
“Ngayon sinisigurado ng Steering Committee ng COMELEC na gawing maaga ito at matanggal ang aberya. As of this morning (Friday) mga 1.5M ballots already been printed and siguro by today we will be completed about 2.2 to 2.5M ballots,” ani Guia.
Sinabi naman ni Commissioner Grace Padaca na on going ang kanilang ginagawang pagsala sa mga nagparehistro nitong nakaraang Hulyo bago tuluyang maisapubliko ang final voters list.
“We are looking into the list of the places na pinakamalaki ang percentage ng mga nagparegister, parang yung iba nga eh 5 or 3 times more than expected, so yun ang tinitignan name,” ani Padaca.
Balak naman ng COMELEC na ihuli na lamang ang pagiimprenta sa mahigit 3 milyong balota para sa Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Umaasa ang poll body na maagang makakapagdesisyon ang Kongreso sa panukalang pagpapaliban ng SK polls.
Nauna nang sinabi ng Comelec na sa ikalawang linggo ng Oktubre, posibleng ilabas na nito ang 60-milyong pisong ibabayad sa mga guro na aaktong SK Board of Election Tellers o BET.
Aabot ng P3.4 billion ang target budget ng COMELEC para sa pagdaraos ng halalang pam-barangay at Sangguniang Kabataan. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)