ZAMBOANGA, Philippines — Patuloy na nagaganap ang sagupaan ng militar at bandidong grupo ng Moro National Liberation Front o MNLF sa Barangay Sta. Barbara dito sa Zamboanga City.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa 3 na ang kumpirmadong patay at 5 naman ang sugatan.
Nagsimula ang sagupaan ng militar at mga rebelde kaninang alas singko ng umaga. Sa ulat ng isang local tv station sa Zamboanga City, bandang ala-una ng madaling araw na dumating ang 200 bandido sakay ng mga sasakyang pandagat sa Barangay Marique at Rio Hondo.
Galing ang mga rebeldeng MNLF sa basilan. Tinangka ng mga ito na pasukin ang city hall ng Zamboanga.
Samantala, tinatayang nasa 30 hostages ang hawak sa kasalukuyan ng mga bandido sa Barangay Talon-Talon at sa Sta. Catalina.
Ayon sa ulat, walong barangay na ang apektado ng nagaganap na engkuwento at ang mga ito ay ang Sta. Barbara, Sta. Catalina, Talon-Talon, Mapang, Rio Hondo, Lustre, Marique at Sinunoc.
Sinsabing ang Barangay Sta. Catalina ang sentro ng sagupaan.
Sa kasalukuyan, may blocking force na ang militar sa naka-deploy sa iba’t-ibang lugar upang hindi makapasok ang mga rebelde sa city proper.
Mahigpit na ring binabantayan ng militar ang mga paliparan at istasyon ng bus at suspendido na rin ang klase at pasok sa opisina sa buong Zamboanga City. (DENRY LOPEZ, UNTV News)