QUEZON CITY, Philippines — Limang araw matapos na mahuli sa isang townhouse na ginawang shabu laboratory sa Felix Huertas, Sta.Cruz, Manila si Lt. Col. Ferdinand Marcelino, ikinulong ito sa detention cell ng Anti-Illegal Drugs Group.
Kaya naman todo higpit na ang seguridad sa gate pa lamang ng PNP-AIDG.
Hindi basta basta nakapapasok ang mga bisita at tanging abogado, pamilya at kaibigan lamang ang pinapayagan.
May itinakda ring oras ng dalaw; 2 oras sa umaga, mula alas 9 hanggang alas 11 at 2 oras sa hapon, mula ala-una hangang alas tres.
Pahayag ni P/CInsp. Roque Merdegia Jr., hepe ng PNP-AIDG Legal and Investigation Division, “Ipinatutupad lang yung alituntunin at patakaran sa dalaw kasi ayaw natin mapulaan na may special treatment sa suspect kina Col. Marcelino.”
Sa kabila nito, sinabi ni Merdegia, na nag-request na sila sa PNP Custodial Center na doon muna pansamantalang ikulong si Marcelino.
Ito’y habang pinag-aaralan ng piskalya kung may probable cause ang reklamong isinampa laban sa kanya na paglabag sa Sec. 8 Manufacturing of Dangerous Drugs, Sec. 11 Possession at Sec. 26 Conspiracy ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
At hangga’t wala pang ipinag-uutos ang korte kung saan ito dapat na ikulong. Sinabi ni Merdegia, hindi dapat na magtagal sa kanilang kulungan si Marcelino para na rin sa kanyang seguridad.
Aniya, hindi naka-disenyo upang pagkulungan nang matagal ang kanilang detention cell.
“Plano talaga na ilipat siya sa isang facility na akma sa detention prisoners kasi ang AIDG ay walang facility kundi isang maliit na lock up jail lamang,”ani Merdegia.
Giit pa nito, apektado rin ang kanilang trabaho dahil nababawasan ang kanilang pwersa na nagsasagawa ng mga surveillance, dahil kailangan nilang i-recall ang mga ito upang madagdagan ang bantay ni Marcelino.
“Kulang kami sa tao, iilan na nga lang kami tapos nag-ooperate pa yung iba so mababawasan yung mga nasa labas.”
Kung sakali namang tanggihan ng PNP Custodial Center si Marcelino dahil sa kakulangan ng pagkukulungan ay magre-request din sila sa BJMP sa Camp Bagong Diwa, Taguig at sa PDEA upang doon mula pansamantalang ikulong si Marcelino.
Ang mga nabanggit na kulungan ang may pasilidad at kakayahan upang masiguro ang seguridad ni Marcelino na bagama’t wala naman aniyang banta sa buhay ay mas mabuti na rin ang nag-iingat.
Sinabi ni Merdegia hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang natatanggap na certification o kopya ng mission order ni Marcelino na nagbibigay pahintulot dito upang magsagawa ng surveillance at imbestigasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.
Subalit aabangan nila kung may maisusumite ito sa piskalya ngayong Miyerkules sa pagharap sa kanyang preliminary investigation. (LEA YLAGAN / UNTV News)
The post PNP-AIDG, naghigpit ng seguridad; Lt. Col. Marcelino, ililipat ng kulungan appeared first on UNTV News.