MANILA, Philippines — Hindi maituturing na ammunition ang isang bala kung walang kasamang baril dahil hindi naman ito puputok.
Ito ang paninindigan ni PAO Chief Atty. Persida Acosta.
“Maliwanag po ang batas, Republic Act 10591. Ang definition po ng ammunition ay may apat na bahagi – primer, cartridge, saka powder at ang bullet. Pero may karugtong ho yun – for use in any firearm. So, ang mere bullet ay hindi pwedeng matawag na ammunition.”
Kaya’t para kay Acosta, walang krimen at hindi dapat kasuhan ang mga pasaherong nahuhulihan o natataniman ng bala sa kanilang mga bagahe sa airpport.
Una nang nagbabala ang PAO chief na sasampahan nila ng kasong kriminal at administratibo ang sinomang magkakaso sa mga biktima ng tanim-bala.
“Hindi punishable per se ang bullet under the law. Pag yung bala, may kasamang baril, talagang harapin mo yan,” ani Atty. Acosta.
Ang opisina ng PAO, ang kasalukuyang tumutulong sa mga pasaherong nabibiktima ng tanim bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Walumpung mga kaso ng tanim bala na ang hawak ng PAO at tatlumpu’t dalawa dito ang na-dismiss na.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng preliminary investigation ang Department of Justice sa mga tauhan ng airport police na sangkot umano insidente ng tanim bala sa NAIA. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)
The post Pagdadala ng bala, hindi krimen — PAO chief appeared first on UNTV News.