ZAMBOANGA CITY, Philippines — Pinalaya na ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang lima sa 168 nitong bihag sa Zamboanga City kaninang umaga, Martes.
Sa ngayon ay naka-stand down ang pwersa ng militar upang bigyang daan ang pagkikipag-usap ng crisis management committee upang mapalaya ang iba pang bihag.
Sinabi ni AFP PAO Chief Lt. Col. Ramon Zagala na bagama’t may naririnig pa rin na paminsan-minsang putok ng baril, ito ay upang huwag makatakas o makaabante ang mga rebelde.
Ayon pa sa opisyal, nanatili pa rin sa barangay Sta. Catalina, Sta. Barbara, Talon Talon at Kasangyaan sa Zamboanga City ang may 180 miyembro ng rogue Misuari group ng MNLF.
Samantala, pinabulaanan naman ng AFP na ito ang unang nagpaputok sa nangyaring bakbakan.
Para sa sandatahang lakas, ang grupo ng MNLF na lumusob sa Zamboanga ang dapat magpaliwanag sa kanilang ginawa.
“If peaceful protest why bring hundred of armed men in the city. Why 1am in the morning why enter in the cover of darkness. These are the questions that they have to answer,” ani Zagala.
Sa ngayon ay naka-red alert pa rin ang buong pwersa ng Western Mindanao Command (WESTMINCOM) upang maiwasan ang pagkalat ng gulo sa iba pang lugar.
Tiniyak rin ng AFP na sapat ang pwersa ng Task Force Zamboanga at WESTMINCOM upang kontrolin ang sitwasyon sa lungsod. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)