MANILA, Philippines — Muling isasailalim ng Commission on Elections (COMELEC) ang buong bansa sa gun ban sa darating na October 28 para sa halalang pam-barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Ipatutupad ito kasabay ng pagpasok ng election period na magsisimula sa September 28 hanggang November 12, 2013.
Noong isang linggo, sinimulan na ng COMELEC ang pagtanggap ng aplikasyon para sa gun ban exemption.
Sinabi ni Commissioner Elias Yusoph na renewal application na lamang ang gagawin ng mga naaaprubahan na noong May-2013 midterm Elections.
“For those who will be renewed, you will only submit the requirements of request for renewal and present their receipts during the May 2013 Elections and the Certificate of Authority, for renewal.”
Noong nakaraang halalan, umabot sa mahigit limang libong aplikasyon ang natanggap ng COMELEC, habang mahigit apat na libo lamang ang naaprubahan.
Kabilang sa mga exempted sa gun ban ang mga militar, pulis, mga government law enforcement agency at miyembro ng diplomatic corps.
Maaari namang i-retain ang mga police close-in-security ng mga senador, kongresista, gobernador at mga mayor na may isang taon nang naninilbihan sa kanila.
Subalit ang lahat ng mga ito ay kinakailangan ihain ng pormal sa COMELEC.
Paalaala ng komisyon, istriktong ipatutupad ang gun ban upang maiwasan ang karahasan sa halalan.
Ayon kay Yusoph, karanasan na ng COMELEC na mas mainit ang pagdaraos ng barangay elections kumpara sa national polls.
“Mas tensyunado ito dahil magkakapatid, magkakaibigan, magpipinsan at magkakamag-anak ang magkakalaban. We would like to appeal that those who are not authorized to carry firearms should not carry firearms.” (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)