MANILA, Philippines — Most trusted officials sina Pangulong Benigno Aquino III at Vice President Jejomar Binay batay sa first quarter Pulso ng Bayan National Survey ng Pulse Asia.
Parehong nakakuha ng trust rating na 45 percent sina Pangulong Aquino at VP Binay, pumangalawa si Senate President Franklin Drilon, pangatlo si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at pang-apat si House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte Jr.
Ngunit kung ikukumpara ang trust rating ng dalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan noong December 2015 ay bumaba ito ngayong 2016.
Malaki ang ibinaba ng trust rating nina Pangulong Aquino at VP Binay sa Mindanao Region.
Samantala, nananatili pa ring may pinakamataas na approval rating si Pangulong Aquino.
Batay sa survey, 49 percent ang nagsasabi na nasisiyahan sa naging trabaho ng Pangulo kung saan dalawang puntos ang lamang nito kay VP Binay na may 47 percent, pangatlo si Senator Drilon, pang-apat si CJ Sereno at panglima si House Speaker Belmonte.
Pareho ring bumaba ang rating ni Pangulong Aquino at VP Binay kumpara noong nakaraang quarter.
Ayon sa Malakanyang, ang patuloy na mataas na antas ng approval at trust ratings ng Pangulo ay nagpapakita lamang ng positibong sentimiyento ng ibang mga sektor at maging ng taumbayan na nasaksihan ang nangyaring transpormasyon sa bansa.
Isinagawa ang survey noong January 24 hanggang 28 sa 1,800 respondents na mga registered voters.
Ito ay pagkatapos at sa kalagitnaan ng mga isyung hinarap ng bansa tulad ng pagsisimula ng election period, ang patuloy na oral arguments sa Supreme Court kaugnay ng disqualification case ni Presidential Candidate Senator Grace Poe, ang muling pagbubukas ng Mamasapano investigation ng Senado, ang pagtatapos ng Senate Blue Ribbon Sub-committee na imbestigasyon sa alegasyon ng korapsyon laban kay VP Binay at ang pag-veto ni Pangulong Aquino sa proposed 2,000 peso-SSS pension increase. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)
The post Pres. Aquino at VP Binay, most trusted officials batay sa latest Pulse Asia survey appeared first on UNTV News.