MANILA, Philippines — Isang noise barrage ang isinagawa nitong Martes, September 10 ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harapan ng opisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila upang hilingin ang pagbibitiw sa pwesto ni Secretary Rosalinda Baldoz.
Ito ay dahil sa anila’y kakarampot na umento sa sahod ng mga obrero.
Ayon sa grupo, isang insulto para sa mga obrero ang 10-peso wage increase na inaprubahan ng kagawaran.
Sinabi ni Lito Ustares, ang Executive Vice President ng KMU, hindi ito sapat lalo pa’t patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin tulad ng bigas, kuryente, tubig at petrolyo.
“Ito yung unang araw na pagdedeklara namin ng giyera dito sa departamentong ito, laban sa secretary of labor na ito. Hindi sila nakakaintindi ng wasto at tamang halaga, dahil itong sampung piso na ito ay halos hindi pa magkakasya sa pamasahe ng manggagawa.”
Gamit ang spray paint, sinulatan ng grupo ang pinto ng DOLE upang ipakita ang pagkondena nila sa regional wage board.
Binato rin ng sampung pisong barya ng isang galit na lider-manggagawa ang building ng DOLE.
Ayon kay Cesar Ilao ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan, P125 across the board ang matagal ng wage increase na hinihiling ng mga mangagawa at hindi barya na wala ng mabibili.
“Upang ipakita sa DOLE na isang malaking insulto. Eh, yung P10 yan katumbas lang ng 10 candy. Eh hindi po makakabili kahit ¼ kilo ng bigas.”
Ang grupong ito ng mga manggagawa ay kalahok sa malawakang rally na tinawag na “EDSA Tayo”. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)