BENGUET, Philippines — Umabot sa labing apat ang natulungan ng UNTV News and Rescue Team sa pagdiriwang ng Panagbenga Festival.
Binigyan ng pang-unang lunas ng grupo si Lolo Benito Innaliap, matapos na tumama ang mukha dahil sa pagkatumba habang nag-ja-jogging sa Athletic Bowl sa Baguio City nitong Linggo.
Matapos mabigyan ng first aid ang sugat sa kanang bahagi ng itaas ng kilay ay inihatid na si Lolo Benito sa ospital.
Siyam naman ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team katuwang ang City Disaster Risk Reduction Management Office sa kasagsagan ng Grand Street Dance Parade.
Karamihan sa mga ito ay nakaranas ng pagkahilo, nahihirapang huminga at pinupulikat.
Tatlo naman ang natulungan ng grupo matapos mahilo habang isinasagawa ang grand float parade.
Umabot naman sa apatnapu’t siyam ang nagpa-check ng kanilang blood pressure sa UNTV News and Rescue Booth na naka-pwesto sa pinagdausan ng float parade ng Panagbenga sa Baguio City.
Samantala, tinulungan rin ng UNTV News and Rescue ang motorcycle rider na naaksidente sa Naga City, Camarines Sur alas onse y medya ng gabi nitong Linggo.
Nagtamo ng gasgas sa mga kamay at paa ang biktima na si Marvin Sergio, 25 anyos na kaagad namang binigyan ng pang-unang lunas ng UNTV News and Rescue.
Ayon kay Sergio, pauwi na siya sa kanilang bahay galing sa kasayahan ng bigla na lamang may nag-overtake sa kaniyang naka-motorsiklo at nasagi ang kaniyang manibela.
Nawalan siya ng kontrol sa manibela at sumadsad sa kalsada kaya nagkaroon ng mga gasgas.
Matapos malapatan ng first aid ay tumanggi ng magpahatid pa sa ospital si Sergio. (GRACE DOCTOLERO / ALLAN MANANSALA / UNTV News)
The post 14 biktima ng iba’t-ibang insidente sa Panagbenga Festival 2016, tinulungan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.