ZAMBOANGA CITY, Philippines – Isang notice of extension of closure ang inilabas ngayong araw, Huwebes, ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa Zamboanga Airport dahil sa patuloy na kaguluhang nagaganap sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at Moro National Liberation Front (MNLF).
Ang naturang notice ay tatagal hanggang Setyembre 21, 2013.
Dahil dito ay hindi na matutuloy ang plano ng pamunuan ng Philippine Airlines (PAL) na pagdaragdag ng flights paalis ng Zamboanga City sa oras na maglabas ng Notice to Airmen (NOTAM) ang CAAP.
Ito ay gagawin sana upang matugunan ang pangangailangan ng maraming mga pasaherong naapektuhan ng kaguluhan sa lungsod.
“Just this morning CAAP nag-release ng notice of extension ng suspension which will take effect effective today until 21 September 19:00. So we advise them to visit or call our reservation for visit our web for further announcement,” pahayag ni Noel Herico, ang officer in charge ng PAL-Mindanao.
Mahigit 3-libong mga pasahero na papunta at paalis ng Zamboanga City at mga karatig na isla gaya ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi ang apektado ng pagsasara ng paliparan sa Zamboanga City.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang mga airline company sa Philippine Air Force (PAF) at napagkasunduan na bukas ng umaga, Biyernes ay isasakay sa C-130 plane ang mga stranded na pasahero sa Zamboanga upang dalhin naman sa Cebu City at doon na sila isasakay sa mga commercial airlines patungo ng Maynila.
Ayon sa CAAP, mayroong 8 inbound at outbound flights ng Cebu Pacific ang nakansela, habang 4 na inbound at outbound flights naman sa PAL. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)