BULACAN, Philippines — Isang motorcycle accident ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue team sa kahabaan ng McArthur Hi-Way sa Barangay Dakila, Malolos, Bulacan, pasado alas onse nitong Lunes ng gabi.
Ang biktima na si Daniel Navarete, 26 anyos ay may sugat sa ulo, kamay katawan at paa.
Binigyan ng pang-unang lunas ng grupo si Navarete na dumaraing din ng hirap sa paghinga at nagtamo ng posibleng bali sa kaliwang kamay at saka sinugod sa Bulacan Medical Center.
Ayon sa mga nakakita sa pangyayari, madilim sa lugar at walang nakalagay na warning device sa ginagawang kalsada kaya nabangga ni Navarete ang mga nakaharang na barrier.
Samantala, tinulungan naman ng UNTV News and Rescue team ang motorcycle rider na biktima ng self-accident sa Loakan Road sa Baguio City pasado alas kwatro, Martes ng madaling araw.
Nagtamo ng galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Joseph Adriago, 22 anyos.
Matapos mabigyan ng first aid ng UNTV News and Rescue team ay tumanggi ng magpahatid sa ospital si Joseph at sa halip ay nagpahatid na lamang sa kaniyang tinutuluyan sa Atok Trail, Baguio City.
Ayon sa biktima pauwi na sana siya sa bahay nang maidlip habang nagmamaneho.
(JOSHUA ANTONIO and GRACE DOCTOLERO / UNTV News)
The post Biktima ng motorcycle accident sa Malolos, nirespondehan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.