MANILA, Philippines — Inaasahang bababa na ang presyo ng commercial rice sa mga susunod na linggo.
Sa pagbabantay ng National Food Authority (NFA) sa presyo ng bigas sa Intercity Rice Mill sa Bocaue, Bulacan, bumaba na sa P40.00 ang kada bag at sako ng premium at medium quality rice, habang P50.00 naman ang ibinaba sa kada bag ng imported premium quality.
“In the next few day o few weeks magno-normalize na yan dahil magpeak harvest na tayo towards the end of this month onwards October, November may harvest na tayo na marami,” pahayag ni NFA Spokesman Rex Estoperez.
Sa Q-Mart, bagama’t tumaas ng dalawa hanggang tatlong piso ang kada kilo ng commercial rice, unti-unti na rin itong bumabalik sa dati nitong presyo.
Dumami naman ang benta ng NFA rice mula nang tumaas ang presyo ng commercial rice dahil mas tinatangkilik ng mamimili ang mas mababang presyo.
Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na pinaiimbestigahan na nito ang umano’y manipulasyon sa presyo ng bigas.
Muli namang tiniyak ng NFA na sapat ang suplay ng bigas sa buong bansa at umapela sa publiko na tangkilikin ang NFA rice.
“Makikita natin na yung 32 magandang klase po yan. Yan yung local rice natin na well milled at yung 27 natin regular milled na local rice din yan,” saad pa ni Estoperez. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)