MANILA, Philippines — Matapang na humarap sa senado ang principal whistleblower na si Benhur Luy sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ngSenate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Senador Teofisto Guingona III kaugnay sa multi-billion peso pork barrel scam.
Sa imbestigasyon, direktang itinuro ni Luy ang negosyanteng si Janet Lim Napoles na mastermind o utak sa pork barrel scam.
“Siya ang mastermind, siya ang boss ko,” pahayag ni Luy.
Ayon pa sa whistleblower, nasa limampung porsiyento ng kabuoang halaga ng proyektong nakuha ng mga umano’y pekeng non-government organizations (NGOs) ni Janet Lim Napoles ang hinihingi ng mga mambabatas na naglaan ng kanilang pondo.
Ipinaliwanag din ng whistleblower na bago maghatian ay nakikipagtawaran muna si Napoles sa kanyang mga ka-deal.
“Sa una po ay sasabihin ni Ms. Napoles na 40 porsiyento lamang pero sasabihin ng kanyang kausap na 50 porsiyento at makikipagtawaran po uli siya ng hanggang 45 porsiyento. Kapag hindi po pumayag ang kanyang kausap ay papayag na rin sa 50 porsiyento si Ms. Napoles pero sasabihin naman niya na ikakaltas niya sa napagkasunduang halaga ang tax,” pahayag pa ni Luy.
Maging ang mga chief of staff o mga kinatawan ng mga mambabatas na nakikipagtransaksiyon sa grupo ni Napoles ay nabibiyayaan din umano mula sa mga kontratang nakukuha nila mula sa mga pork barrel fund.
“May parte po ang mga chief of staff pero nasa discretion na po ni Madam yan, minsan 1 percent, iba iba po depende, kasi sila po ang mga kausap namin sa mga tanggapan ng mga mambabatas,”
“Inihahatid din po sa bahay ng mga senador (pera).
Bahagi na umano ng kanilang regular na transaksyon ang mag-withdraw ng pera sa bangko na dinadala nila sa kanilang opisina.
“Umaabot ng 75 M ang pera sa upisina minsan, galing sa iba’t ibang bangko. Pag may natira sa disbursements inuuwi niya sa bahay.”
May mga pagkakataon din na kahit hindi pa sila naiisyuhan ng tseke ng mga implementing agencies ng mga pork barrel ng mga senador ay nagpapaluwal na si Napoles at binabayaran na ang mga kausap nito.
Kwento ni Luy, “pag nasa foundation na ang tseke ipapasok na ito sa bangko, Metrobank, Landbank. Karamihan ng account namin ay Metrobank, pag nag-good iwi-withdraw na, minsan no cash out kasi same bank. Pag sa Landbank iwi-withdraw dadalhin sa opisina, iuuwi na sa bahay. andun ang nanay ko na tita ni madam, sila ang nagrerecieve ng pera, mula elevator hanggang masters bedroom sila magdadala, dahil di kasya sa vault, ipapatong bag na may pera sa bedroom o sa baththub at doon na rin kuikunin ang mga ibabayad niya sa mga kausap niya, doon din kukunin ang ipambibili ng mga properties.”
Isiniwalat pa nito na alam niya ang mga transaksiyon ni Napoles mula 2004 hanggang 2010 dahil nakopya niya ang mga dokumneto sa mga lumang computers.
Siya rin umano ang nag-encode dahil siya ang pinagkakatiwalaan ni Napoles pagdating sa pera.
Ayon pa kay Luy, mula walong libong piso na sahod niya noong 2002 ay naging 45 thousand na ito.
Inamin din nito na nakapunta na siya sa senado at itinago sa isang codename ang senador na kanyang pinuntahan.
Bigo namang mapangalanan ang mga senador na sinasabing nakatransakyon ni Napoles dahil sa pakiusap ni Justice Secretary Leila De Lima.
“Kung puwede lang po, wala muna tayong mga papangalanan, baka naman po hindi pa nakailangan para matugunan ang mga pangangailangan ng imbestigasyon, in aid of legislation po lamang sana,” ani De Lima.
Pero para kay Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, dapat pangalanan na ang mga mambabatas at iba pang sangkot dahil nabanggit na rin naman ang kanilang mga pangalan sa report na isinumite ng Commission on Audit (COA) at mga newspaper reports. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)