MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi na matutuloy ang nakatakdang pagpupulong sa Jakarta, Indonesia ng mga kinatawan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ng pamahalaan sa Setyembre 15 hanggang 16.
“Iyong question, kay Misuari, hindi sa atin. Ang pagkakaintindi ko po, na-postponed na yata ang meeting dapat sa Jakarta next week because of his inability to attend,” anang Pangulo.
Layon sana ng pagpupulong na mapag-usapan ang implementation review ng 1996 MNLF peace deal. Dito din tatalakayin ang mga hindi pagkakaunawaan ng dalawang panig sa naturang usapin.
Ayon kay OPAPP Secretary Teresita Ging Deles, mismong si MNLF Founding Chairman Nur Misuari ang humiling na ipagpaliban ang dalawang araw na nasabing pulong.
“We received word from the OIC that upon the request of Nur Misuari, the meeting on 16th is postponed.”
Sinasabing ang umano’y pagbalewala ng pamahalaan sa 1996 MNLF peace deal ang isa sa itinuturong dahilan kung bakit sumalakay ang MNLF forces sa Zamboanga City. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)