MANILA, Philippines – Umakyat na sa labing walo ang naitalang bilang ng mga nasawi sa nagpapatuloy na sagupaan sa pagitan ng mga militar at Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga at Basilan.
Kabilang sa mga nasawi ang 2 sundalo, 3 pulis, 2 sibilyan at 11 miyembro ng MNLF.
Sugatan naman ang 28 sundalo, 6 na pulis at 18 sibilyan, habang 20 MNLF ang nasa kustodiya ng militar.
Samantala, kabilang sa mga nasawi sa panig ng gobyerno ang batang-batang si Inspector Jay Latawan Oyoyan na taga-Sagada Mountain Province.
Si Inspector Oyoyan ay nasawi sa bakbakan sa Zamboanga City pasado alas-11 ng gabi noong September 11, Miyerkules.
Nagsasagawa umano ng clearing operations ang mobile group ng PNP na kinabibilangan ni Oyoyan, nang makaengkwentro ang MNLF.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan at ulo ang pulis.
Naisugod pa ito sa ospital at doon nalagutan ng hininga.
“I feel bad and I pray sana matigil na ito para di na dumami pa ang casualties,” pahayag ni Dolores Lantawan Lipas, tiyahin ng nasawing pulis.
Si Oyoyan ay miyembro ng PNPA class of 2012 at unang na-assign sa Zamboanga City.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng PNP ang parangal na igagawad sa nasawing pulis.
Sa linggo, nakatakdang ilibing sa Mountain Province ang nasawing opisyal. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)