MANILA, Pilippines — Dinaluhan ng mga militanteng grupo, estudyante at mga church-based group ang malaking kilos protesta na isinagawa nitong Biyernes, Setyembre 13, 2013 sa Luneta.
Ito na ang ikatlo sa mga serye ng kilos protesta na inorganisa laban sa pork barrel
Ilang linggo na ang nakakaraan ng isagawa ang Million People March dito rin sa Luneta na sinundan naman ng isang prayer vigil sa EDSA at ngayon naman ay ang ilan sa ating mga kababayan upang magpahayag ng kanilang pagtutol sa pork barrel.
Sa pagtitipong ito tinatayang nasa sampung libo umano ang dumalo.
Ipinarada ng mga militanteng grupo ang isang babae na naka-wheel chair na may mukha ni Jane Lim-Napoles na ini-escortan ng taong nakamaskara ng mukha ni Pangulong Aquino, Sec. Mar Roxas at Atty. Lorna Lapunan.
Mula sa iba’t-ibang dako, nagparada patungong Luneta ang mga grupong makikilahok sa kilos protesta
Ibat-ibang aktibidad ang isinagawa kanina na pinangunahan ng mga estudyante at mga militanteng grupo.
Dumalo ang mga estudyante ng San Beda, St. Scholastica, PNU, Adamson University, Letran at iba pang mga unibersidad.
Kumpara sa Million People March, mas kakaunti ang bilang ng mga dumalo sa pagtitipon ito ngunit naging maayos at mapayapa rin.
Ayon sa grupong Kontra-Daya na isa sa mga organizer ng kilos-protesta, layon nitong imulat ang mga dadalo sa sistema ng pork barrel.
Pinaalalahanan naman ng National Parks and Development Committee ang mga dadalo sa pagtitipon na huwag magkalat sa Rizal Park.
Bagaman pinayagan ang pagdadala ng placards at effigy, ipinagbawal naman ang pagsusunog sa mga ito.
Ang programa ay pinasimulan alas-tres ng hapon sinundan ng mga pagtatanghal at konsyerto.
Sa September 21, Sabado, kasabay ng Martial Law anniversary ay muling magkakaroon ng paglabas sa lansangan upang magprotesta laban sa pork barrel. (MON JOCSON / UNTV News)