ZAMBOANGA CITY, Philippines – Nasa ikawalong araw na ang sagupaan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at pwersa ng militar sa Zamboanga City.
Dakong alas-5 ng umaga kanina, Lunes ay muling nagkapalitan ng putok ang dalawang panig sa Sta. Catalina, samantalang may iniulat na bagong sunog sa kalapit na barangay na Sta. Barbara at Rio Hondo.
Bandang ala-7 ng umaga, tumigil ang palitan ng putok subalit makalipas lamang ang mahigit na kalahating oras ay muling nakarinig ng mga putukan sa mga nasabing lugar.
Batay sa obserbasyon ng mga bumbero, tila sinasadya ng MNLF ang pagsunog sa mga bahay dahil tuwing bago mag-uumpisa ang labanan ay magkakaroon muna ng sunog.
Sa pagtaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), daan-daang bahay na ang natupok mula nang sumiklab ang kaguluhan sa Zambanga City noong nakaraang Lunes, Setyembre 9, 2013. (UNTV News)