MANILA, Philippines — Handa na ang Highway Patrol Group (HPG) sa pagpapatupad ng Republic Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.″
Ayon kay HPG Spokesperson Police Supt. Elizabeth Velasquez, magpapakalat sila ng maraming tauhan na tutulong sa implementasyon ng naturang batas bago magtapos ang buwang kasalukuyan.
Sinabi pa ng opisyal na sasailalim sa tatlong pagsusuri ang mga motorista na nasa impluwensya ng alak.
Una ay ang tinatawag na field sobrayati test o eye test upang makita ang galaw ng eye ball; pangalawa ang walk and turn upang makita kung hindi na kayang lumakad ng diretso ng isang motorista at panghuli ay ang 30 seconds one leg stand.
Idinagdag pa ni Velasquez na kailangan ding sumailalim sa alcohol breath analyzer ang mga masisitang motorista.
Posible namang makulong ng hanggang tatlong buwan at pagmultahin ng P20,000 hanggang P80,000 ang sinomang lalabag sa bagong batas.
Naniniwala ang HPG na posibleng bumaba ng 86% ang mga aksidente sa lansangan lalo na tuwing madaling araw kapag naipatupad na ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)