Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Labis na pag-inom ng kape at softdrinks ngayong mainit na panahon, maaaring magdulot ng heat stroke – DOH

$
0
0
Department of Health Secretary Dr. Janette Loreto-Garin

Department of Health Secretary Dr. Janette Loreto-Garin

MANILA CITY, PHILIPPINES — Ngayong mainit ang panahon, usong-uso ang malalamig na inumin upang maibsan ang nararamdaman nating pagkauhaw.

Sa mga ganitong panahon, kadalasang patok ang softdrinks, milk tea, fruit juices at iba pang inumin na mayroong flavor.

Bunsod nito, may babala ang Department of Health sa publiko hinggil sa panganib na maaaring idulot ng labis na pag-inom ng mga ganitong klase ng inumin.

“As much as possible i-limit yung pag-inom ng kape. One cup will be enough. I-limit ang pag-inom ng tsaa. Softdrinks talaga pong i-limit maski akala n’yo masarap s’ya dahil malamig na malamig. After no’n, kukunan ng tubig, dine-dehydrate wiwi nang wiwi ang tao. It adds on to the possibility of heat stroke,” paliwanag ni Health Secretary Janette Loreto-Garin.

Paliwanag ng DOH, mas makakabuti pa rin ang paginom ng mas maraming tubig upang makaiwas sa dehydration at makatutulong rin ito upang mapababa ang temperatura ng ating mga katawan.

Ang heat stroke ay isang medical condition sanhi ng napakataas na temperatura ng katawan na kung hindi maagapan ay maaaring ikamatay.

Nangyayari ang heat stroke kapag hindi nakakayanan ng katawan na pababain ang temperatura.

Ilan sa mga sintomas nito ang pagkahilo, pananakit ng ulo, pagsusuka, labis na pagkapagod, pananakit ng kalamanan at hirap sa paghinga.

“Ang unang gawin pahigain s’ya lalo na kung wala pang sasakyan. Put the patient under the shade. I-raise ‘yung mga paa at ang isang importante na gawin, lagyan ng ice ‘yung sa kili-kili, sa ankle areas, at sa groin. ‘Yun po kasi ‘yung area ng katawan ng tao na madaling maapektuhan ang temperature sa loob,” payo ng DOH kung sakaling may biktima ng heat stroke.

Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng abutin pa ng hanggang sa 42 degrees celcius ang maximum temperature na ating mararanasan.

Kaya naman paalala ng DOH, iwasan na lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan at magsuot ng mga kumportableng damit na makatutulong upang makaiwas sa banta ng heat stroke.

(JOAN NANO/UNTV NEWS)

The post Labis na pag-inom ng kape at softdrinks ngayong mainit na panahon, maaaring magdulot ng heat stroke – DOH appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481