QUEZON CITY, PHILIPPINES — Matapos ang ilang taon, uumpisahan na ang konstruksyon ng MRT Line 7.
Ito ang linya ng tren na magdudugtong sa bayan ng San Jose del Monte, Bulacan hanggang sa Quezon City.
Pinangunahan ni Pres. Benigno Aquino III ang groundbreaking ceremony kaninang umaga sa Quezon City Circle.
“Nagpapasalamat tayo sa pakikiisa ng pribadong sektor at programa at proyekto. Patunay lang ito sa kumpiyansa nila sa isang gobyerno na hindi sila lalamangan at nakatutok sa kapakanan ng nakararami,” pahayag ni Aquino.
Magkakaroon ng labing-apat na istasyon ang MRT 7 na magsisimula sa EDSA North Avenue na dadaan sa kahabaan ng Commonwealth patungo sa San Jose del Monte, Bulacan
Sa kahabaan ng Commonwealth Avenue itatayo ang University Avenue Station ng MRT 7. Kapag natapos sa taong 2020, ang mahigit dalawang oras na byahe mula Bulacan hanggang Quezon City ay aabutin na lamang ng tatlumpung minuto.
Kayang magsakay ng MRT 7 ng mahigit tatlong daang libong pasahero araw-araw. At kapag natapos pa ang ibang upgrade ay kakayanin na nitong magsakay ng hanggang walong daang libong pasahero.
Nakipag-ugnayan na ang San Miguel Corp. sa MMDA upang matulungan sila sa pag-aayos sa daloy ng trapiko kapag naumpisahan ang konstruksyon.
Idudugtong ang MRT 7 sa LRT line 1 at di kalaunan ay sa MRT line 3.
Subalit isyu pa rin ang lugar ng pagtatayo ng common station. Base sa concession agreement sa tabi ng SM North Edsa itatayo ang common station taliwas sa pahayag ng Department of Transportation and Communications (DOTC) noon na magkakaroon rin ng common station sa Trinoma.
Bahagi rin ng proyekto ang isang intermodal transportation terminal o ITT na itatayo sa Balagtas, Bulacan na kayang mag-accomodate ng anim na pung bus gayundin ang isang access road mula Balagtas, Bulacan hanggang San Jose del Monte.
Malaki ang maitutulong nito sa mga taga-Bulacan dahil makakapagpasok ito ng mas maraming investor na makakapagpalago sa ekonomiya ng lalawigan
Sa ngayon ay may problema pa sa right of way sa San Jose del Monte. Subalit sinosolusyunan na ito ng lokal na pamahalaan.
“Mayroong tao ang DOTC at San Miguel na nakikipagusap doon. Ang akin, mamagitan lamang at tumulong magpaliwanag dahil ito sa kaunlaran ng siyudad na dapat maunawaan ng iba,” sabi ni alkalde ng San Jose del Monte na si Mayor Rey San Pedro.
ang San Miguel Corp. ang nakakuha ng kontrata sa naturang proyekto sa pamamagitan ng public private partnership ng pamahalaan.
(MON JOCSON/UNTV NEWS)
The post Biyahe mula Quezon City patungong Bulacan, mapapadali na oras na matapos ang konstruksyon ng MRT 7 appeared first on UNTV News.