FORT BONIFACIO, Philippines — Hindi inaasahan ni Lt. Gen. Glorioso Miranda, dating AFP Vice Chief of Staff at Commander ng North Luzon Command ang pagkakatalaga sa kaniya bilang acting Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pinalitan niya ang kare-retiro lamang na si General Hernando Iriberri bilang pinuno ng 130 libong sundalo ng bansa.
Ayon kay Pang. Benigno Aquino III, hindi na ito makapagtatalaga ng bagong Chief of Staff dahil ilang araw na lamang at idaraos na ang pambansang halalan.
Si LtGen. Miranda ay naitalagang Vice Chief of Staff ng AFP nito lamang Marso at naging commander ng AFP Northern Luzon Command.
Kapwa kabilang sina Gen. Iriberri at LGen. Miranda sa Philippine Military Academy “Matikas” Class of 1983.
Nangako naman si LGen. Miranda na ipagpapatuloy nito ang panuntunang iniwan ni Gen. Hernando Iriberri sa mga tropa ng militar kaugnay ng pagtitiyak ng maayos at mapayapang halalan.
Hindi rin nito ititigil ang pursuit operations laban sa mga kalaban ng pamahalaan tulad ng mga rebelde, terorista at bandidong grupo. Gayundin ang pagsusulong ng AFP Modernization Program.
Samantala, nagpaalam na sa kaniyang mga tauhan si AFP Chief of Staff Gen. Iriberri pagkatapos ng kaniyang 37-taong serbisyo sa hukbong sandatahan.
Kabilang sa mga achievement ni Iriberri bilang AFP Chief of Staff ay ang pagpapaalis ng mga rebeldeng NPA sa 21 probinsiya at pagdedeklara sa mga ito bilang “peaceful and ready for further development.”
Nagbigay-pugay naman ito sa bawat sundalong nag-aalay ng buhay para mapanatili ang kapayapaan sa bansa.
Naitalagang ika-46 na AFP Chief of Staff si Gen. Iriberri noong July 10, 2015.
(ROSALIE COZ/UNTV NEWS)
The post Lt. Gen. Miranda, nangakong ipatutupad ang panuntunan ng nagretirong si Gen. Iriberri kaugnay sa mahigpit na seguridad sa Halalan 2016 appeared first on UNTV News.