PASAY CITY, Philippines — Pinaghahandaan ngayon ng bansa ang posibilidad ng pagtama ng 7.5 magnitude na lindol o ang “The Big One” na posibleng yumanig sa Metro Manila ayon sa Phivolcs.
Bunsod nito, nagkaroon ng Memorandum of Understanding ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at United Architect’s of the Philippines sa paggawa ng mga disaster-resilient na gusali.
Ayon kay DILG Sec. Melsenen Sarmiento, malaki ang magiging papel ng mga pilipinong akriteko upang maihanda ang mga gusali sa mga kalamidad na maaaring tumama sa bansa.
Naniniwala ito na ang mga pilipinong arkitekto ay isa sa pinakamahuhusay na arkitekto sa buong mundo kaya naman hiningi niya ang tulong ng mga ito.
“Ang istraktura ay hindi lang dapat maganda tingnan kundi resilient ‘yung structural para po magaya tayo ng bansang Hapon na halos lahat dinesign na nila. Nagkaroon lang ng lindol sa Japan, ang casualty sa Japan kumpara sa casualty sa lindol sa Ecuador malaki ang diperensya,” pahayag ni Sec. Sarmiento.
Nagpapasalamat naman si UAP Nation President Arch. Benita Regala sa tiwalang ibinigay sa kanila ng pamahalaan.
Aniya, ang mga pilipinong arkitekto ay hindi lamang nakatuon sa paggawa ng magagandang disenyo ng gusali kundi tinitiyak nito na hindi basta-basta magigiba ng mga kalamidad ang kanilang itinatayong proyekto.
Sa kasalukuyan ay nasa mahigit 30-libo ang arkitekto sa bansa.
Inaanyayahan ni Regala ang mga kabataan na kumuha ng kursong Architecture upang makatulong nila ito sa mga susunod na panahon.
Ngayon Linggo ay isinasagawa ng UAP ang kanilang 42nd National Convention.
Ang UAP 42nd National Convention ay nagsimula kahapon April 21 at tatagal hanggang sa Sabado, April 23 sa SMX Pasay City.
(GRACE CASIN/UNTV NEWS)
The post DILG at mga arkitekto, lumagda sa isang kasunduan para sa paggawa ng mga disaster-resilient na gusali appeared first on UNTV News.