MANILA CITY, Philippines — Ipinagdiwang ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno at ng ilang pribadong ahensiya ang Earth Day ngayong araw.
Ito’y sa pamamagitan ng paglilinis ng mga basura at pagtatanim ng mga puno sa ilang bahagi ng Manila Bay.
Kabilang na rito ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Eco-tourism Area.
Ang lugar na ito ang unang critical habitat na idineklara sa bansa sa bisa ng Presidential Proclamation 1412 noong Abril 2007.
Kaisa sa aktibidad si Miss Earth 2015 Angelia Gabrena Ong at ng ilang kandidata ng Miss Philippines Earth 2016.
Ang pagdiriwang ng Earth Day sa taong ito ay may temang “Trees for the Earth.”
“Sana huwag lang tayong ma-stop sa planting kailangan po sana eh tulungan po natin itong mag grow,” pahayag ni Miss Earth 2015 Angelia Gabrena Ong.
Ayon naman sa Philippine Coastguard (PCG), handa silang tumulong sa environmental protection activity.
“Kami po ay laging katuwang ninyo sa pangangalaga ng kalikasan at isa po yan sa mandato namin,” sabi naman ni Capt. Manuel Ortiz ng PCG.
“Marine environmental protection is one of the core functions of the Philippine Coastguard. As such, we undertake programs, activities, projects geared towards the protection of our marine environment,” dagdag na pahayag ni Commo Athelo Ybañez, PCG Deputy Commandant.
Layon din ng Earth Day 2016 na makapagtanim ng 7.8 bilyong puno bago sumapit ang taong 2020.
Kabilang din sa mga aktibidad ngayon ang collective hand tree planting at nature exposure walk.
Ayon kay Sen. Cynthia Villar, ang pagtatanim ng puno ay importante para sa paglaban sa climate change sa bansa.
“We should remember, it’s our responsibility to our children and grandchildren to leave them an Earth with plenty of trees,” paalala ni Sen. Villar na siya ring Chairperson ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises.
Samantala, kaugnay ng Earth Day 2016 ay ang paglagda sa Paris Agreement on Climate Change ngayong araw na isinagawa sa United Nations Headquarters sa New York City.
Pinangunahan ang delegasyon ng Pilipinas nina Department of Environment and National Resources (DENR) Secretary Ramon Paje at Climate Change Commission’s Chairman Emmanuel de Guzman.
Kasama ang Pilipinas sa 155 bansa na lumagda sa Paris Agreement on Climate Change.
(BRYAN DE PAZ/UNTV NEWS)
The post Pagtatanim ng puno at clean-up activity, sentro ng selebrasyon ng Earth Day ngayong araw appeared first on UNTV News.