QUEZON CITY, Philippines —Sa 361 na pulis na nagpatala para sa local absentee voting sa National Headquarters ng Camp Crame, nasa 84 pa lamang ang nakaboboto hanggang kaninang alas dyes ng umaga.
Maliit ito kumpara sa mahigit 2 libong pwersa ng pulis sa loob ng kampo.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief PC/Supt. Wilben Mayor, marami sa mga pulis ang malabo nang makaboboto ngayong halalan dahil abalang-abala na ang mga ito sa pagbabantay sa ipinatutupad na seguridad.
Halos wala na aniyang alisan ang mga ito sa kani-kanilang pwestong binabantayan kaya’t hindi na maisingit ang pagboto.
Ang iba naman ay deactivated na ang COMELEC registration dahil palipat-lipat ng lugar ang assignment kaya’t hindi na nakaboboto tuwing halalan.
Tulad ng kanyang status na deactivated na dahil matagal na s’yang hindi nakaboboto.
Maging si PNP Chief ay inaming hindi makaboboto ngayong halalan dahil ilang eleksyon na rin syang abala sa pagmamando sa seguridad tuwing halalan.
“Deactivated ako e. Kasi I have not voted for the last 2 elections,” sabi ni PNP Chief Ricardo Marquez.
Sinabi pa ni Mayor na bagama’t malinaw sa bawat isa na karapatan nila ang pagboto ay hindi rin nila mapipilit kung may ilang pulis na ayaw ding bomoto tuwing halalan.
(LEA YLAGAN/UNTV News)
The post Bilang ng mga pulis na bumoto sa ilalim ng local absentee voting, mababa appeared first on UNTV News.