PAMPANGA, Philippines — Malaki ang tungkulin na ginagampanan ng mga guro tuwing sasapit ang eleksyon sa bansa.
Sila ang nagsisilbing Board of Election Inspectors sa halalan. Kaya naman sila ang madalas na nakararanas ng harrassment.
Kaya naman nagtalaga na ang Department of Education (DepEd) sa Central Luzon ng mga abogado para sa mga guro sakaling may mananakit o manggulo sa kanila.
Ayon sa DepEd Region 3, kailangang proteksyunan ang karapatan ng mga guro dahil sa sakripisyo ng mga ito para lamang sa kapakanan ng taumbayan na makaboto ng maayos.
Noong nakaraang eleksyon, walang abogado ang mga ito kung kaya nahirapan sila sa pagsasampa ng reklamo sa mga taong nanggulo sa kanila.
“Huwag naman po sana masaktan ang ating mga guro kaya nga nagpapatulong tayo sa mga pulis at AFP. Sa DepEd po, may magha-handle nang attorney, na before, wala. So, may budget na po sila,” pahayag ni Dr. Nicolas Capulong, Assistant Regional Director ng DepEd Region III.
Umabot sa 27,354 public school teachers ang tatayo bilang Board of Election Inspectors.
2,785 naman ang DepEd supervisor officials at 7,760 ang support staff.
Sila ang aasiste sa mahigit anim na milyong botante sa Region III na inaasahang dadagsa sa May 9 national elections.
Naglagay na rin ang DepEd ng Election Task Force Operation Centers sa national level upang ma-monitor ang regional hanggang division offices.
Magsisimula ito ng ala una ng hapon mula May 8 hanggang May 10.
(JOSHUA ANTONIO/UNTV News)
The post DepEd Region 3, nagtalaga ng mga abogado para sa mga guro na magkakaroon ng problema sa araw ng halalan appeared first on UNTV News.