ZAMBOANGA CITY, Philippines — Bagama’t may pinayagan nang makabiyahe na eroplano papasok at palabas ng Zamboanga City, hindi pa rin maaaring makapaglayag ang lahat ng passenger vessels sa siyudad.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Commander Armand Balilo, mas mahirap bantayan ang baybayin ng Zamboanga na ginamit na point of entry ng mga lumusob na miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Ang Zamboanga Port ang daungan ng mga sasakyang pandagat na nagmumula sa Basilan, Tawi Tawi, at Sulu.
Samantala, dinagdagan na rin ng PCG ang kanilang search and rescue vessels na nagpa-patrolya sa buong lungsod.
Pinapunta na rin sa lugar ang BRP Corregidor at BRP Pampanga lulan ang relief goods para sa mga apektado ng sagupaan doon. (Francis Rivera / Ruth Navales, UNTV News)