MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang banta ng spillover sa Metro Manila ang nagaganap na sagupaan sa pagitan ng militar at Moro National Liberation Front (MNLF) sa Mindanao.
Ayon kay PNP-PIO Chief Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, naka-heightened alert pa rin ang buong pwersa ng PNP sa Metro Manila.
“Pagdadayalogo sa ibat-ibang district directors na puntahan nila ang iba’t ibang Muslim communities ukol dito para makipagusap at malaman ang kanilang sitwasyon at kalagayan,” pahayag ni Sindac.
Ayon pa sa opisyal, hindi na ibinaba ang alerto mula nang magsimula ang Zambonaga armed conflict, na sinundan pa ng pambobomba sa Davao City, bukod pa ang kabi-kabilang kilos-protesta kaugnay ng pork barrel scam.
Sa kabila nito, tiniyak ng PNP na wala silang natatanggap na intelligence report na anomang banta ng kaguluhan sa kalakhang Maynila.
“We would like to assure the public that this is more on a pro-active action and there is nothing to alarm about,” saad pa ni Sindac. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)