MANILA, Philippines — Isang junior officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinakahuling napatay sa panig ng militar sa ika-11 araw ng krisis sa Zamboanga City.
Bukod sa isang opisyal, sugatan din ang tatlong kasamahan nito matapos paulanan ng bala ng Moro National Liberation Front (MNLF) habang nagsasagawa ng clearing operations sa Barangay Sta. Barbara.
“They were clearing the area suddenly there was an outburst of fire hitting our personnel. Burst of fire could be from sniper or engaged fire,” pahayag ni AFP Spokesman Brigadier General Domingo Tutaan Jr.
Hindi naman muna pinangalanan ang nasawing opisyal hangga’t hindi pa naipaalam sa pamilya nito.
Ayon kay Tutaan, miyembro ng PMA class of 2008 ang nasawing sundalo.
Sa ngayon ay 12 na ang nasawi sa panig ng militar habang 108 naman ang nasugatan.
Samantala, nangako naman ang AFP na ipapagkakaloob sa pamilya ng mga nasawing sundalo ang kaukulang benepisyo, at ang parangal na igagawad sa mga napatay sa labanan.
“This is a manifestation of giving the supreme sacrifice to perform our mandate. We feel for the officer killed and the others killed as part of our commitment to Zamboanga,” pahayag pa ni Tutaan.
Sa kasalukuyan ayon sa militar ay nasa pitumpu na lamang ang nalalabing tauhan ni Nur Misuari sa Zamboanga at hinati na sa maliliit na grupo.
Hawak ng mga ito ang nasa dalawampu pang bihag.
Kumpiyansa naman ang militar na hindi magtatagal at matatapos na ang gulo sa Zamboanga. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)