MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mga kasong posibleng isampa laban kay Moro National Liberation Front (MNLF) founding chair Nur Misuari dahil sa ginawang pagsalakay ng kanyang mga tauhan at paghahasik ng kaguluhan sa Zamboanga City.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda na mananagot sa batas si Misuari at kanyang mga tauhan dahil sa pinsalang hatid sa Zamboanga City at mga mamamayan nito.
“Once the charges are filed as you know we will go after those who are responsible,” anang kalihim.
Nangako rin ang pamahalaan na hindi pababayaan ang mga sundalong ilang araw nang nakikipaglaban sa MNLF partikular ang kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain.
“We would like to assure the public that our soldiers are not being neglected,” pahayag pa ni Lacierda.
Ayon sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot na sa 23,794 pamilya o 118, 819 indibidwal ang naapektuhan ng sagupaan.
Halos siyamnapung porsiyento dito ay nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Sa kabuoan ay umaabot sa 70-libong food packs per meal ang ipinamimigay ng pamahalaan araw-araw.
Samantala, sa kabila ng sagupaan sa Zamboanga City, sinabi ng palasyo na magpapatuloy pa rin ang review process sa 1996 MNLF peace deal gayundin ang pakikipagugnayan ng pamahalaan sa ibang faction ng MNLF.
“We will observe 1996 final peace agreement and we will continue to engage them as to the tripartite review process,” saad pa ni Lacierda. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)