MANILA, Philippines – Dalawang commercial flights ang pinahintulutan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na makabiyahe ngayong araw, Huwebes sa Zamboanga City sampung araw matapos itong suspendihin dahil sa kaguluhan sa siyudad.
September 9, 2013 nang suspendihin ng CAAP ang flight operations sa Zamboanga dahil sa pagsiklab ng sagupaan sa pagitan ng MNLF troops at pwersa ng pamahalaan.
Pasado alas-8 ng umaga nang mag-take off ang flight ng Cebu Pacific patungong Zamboanga, lulan nito ang may labing siyam na pasahero kasama si Captain John Andrews, ang deputy director general ng CAAP.
Umalis naman dakong 11:40 ng umaga ang PAL Express biyaheng Zamboanga lulan ang may 113 na pasahero.
Ayon kay CAAP spokesperson (Ret.) Brig. Gen. Rodante Joya, mahigpit pa rin ang ipinatutupad na seguridad sa Zamboanga Airport dahil sa nagpapatuloy na tensyon doon.
Hindi rin muna pinahihintulutan ang check in baggage ng mga pasahero na mangagaling sa Zamboanga City para na rin sa seguridad ng mga pasahero.
“Hindi natin alam kung baka may makalusot eh nakakasunod pa ng gulo, so we are taking a lot of precautionary measures,” ani Joya.
Patuloy naman ang pag-aassess ng mga awtoridad sa sitwasyon sa lungsod bago ibalik sa normal ang biyahe ng mga eroplano. (Ley Ann Lugod / Ruth Navales, UNTV News)