MANILA, Philippines — May walumpu’t pitong Pilipino ang nasa death row sa kasalukuyan sa ibayong dagat.
Ito ang ibinunyag ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa budget hearing ng senado ngayong araw, Huwebes.
Ayon kay DFA Secretary Albert Del Rosario, isa sa nasabing bilang si Jakatia Pawa na isang domestic worker.
Si Pawa ay Filipina house hold service worker sa bansang Kuwait na hinatulan ng kamatayan noong 2008 at pinagtibay ng Kuwait Court of Cessation noong 2010.
Pinatay umano ni Pawa ang 22-anyos na anak na babae ng kanyang employer.
Tubong Zamboanga Del Norte si Pawa, may dalawang anak at limang taon nang nagtrabaho sa Kuwait.
Ayon sa DFA, karamihang kaso na kinasasangkutan ng mga Pinoy sa abroad ay drug related cases at murder.
Ayon naman kay Senador Loren Legarda, chairman ng Senate Sub-Committee on Finance dapat magtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan upang huwag nang dumami pa ang mga kababayan nating nasa death row.
“The Inter-Agency Council Against Trafficking can have a very strong hand a comprehensive action to prevent this young vulnerable innocent, unschooled from syndicate to prevent this 87 from growing,” pahayag ng senadora.
Sinabi naman ng DFA na mas pinalalakas pa nila ang pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) kaugnay sa information drive at assistance measures para sa mga Pinoy na nangingibang bansa. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)