MANILA, Philippines – Pormal nang sinampahan ng kasong multiple murder sa Gumaca, Quezon Regional Trial Court ang mga pulis na sangkot sa Atimonan shooting incident kung saan napatay ang grupo ng negosyanteng si Vic Siman.
Nangunguna sa mga kinasuhan si Police Supt. Hansel Marantan, dating hepe ng intelligence office ng PNP-CALABARZON at nagsilbing ground commander ng madugong operasyon sa Atimonan, Quezon noong Enero 6, 2013.
Kabilang sa mga kinasuhan ng multiple murder ang mga sumusunod na pulis:
- Superintendent Ramon Balauag
- Chief Inspector Grant Gollod
- Senior Inspector John Paolo Carracedo
- Senior Inspector Timoteo Orig
- Senior Police Officer 3 Joselito de Guzman
- Senior Police Officer 1Arturo Sarmiento
- Senior Police Officer 1Carlo Cataquiz
- Police Officer 3 Eduardo Oronan
- Police Officer 2 Nelson Indal
- Police Officer 2 Al Bhazar Jailani
- Police Officer 1 Wryan Sardea
- Police Officer 1 Rodel Talento alias “Rodel Tolentino”
Base sa resolusyon ng Department of Justice (DOJ), malinaw na pinlano ang pagpatay sa labintatlong mga biktima at ginamitan ng sobrang pwersa.
Napatunayan din ayon sa imbestigasyon ng DOJ na may sabwatan sa pagitan ni Marantan at iba pang mga pulis upang mapatay ang grupo ni Siman.
Ipinapakita umano ito ng tatlong sunod-sunod na checkpoint na inilagay ng mga pulis na labag sa tamang pamamaraan ng pagkakalagay nito.
Napatunayan din ng mga ebidensiya na walang posibilidad na nakaganti ng putok ang grupo ni Siman mula sa loob ng sasakyan.
May matibay din umanong ebidensiya na binaril ng malapitan ang iba sa mga biktima, kaya’t malabo ang bersyon ng mga pulis na engkwentro ang nangyari.
Sinampahan din ng kasong obstruction of justice si Police Senior Inspector John Paolo Carracedo at Rico Tagure dahil sa pakikialam nito sa mga ebidensiya sa crime scene upang mapalitaw na may nangyaring engkwentro.
Samantala, pinawalang-sala naman ng DOJ ang dating hepe ng PNP-CALABARZON na si Chief Superintendent James Melad at ang mga sundalo na kasama sa operasyon.
Lumabas sa imbestigasyon ng DOJ na bagama’t kasamang bumaril sa mga biktima ang mga sundalo, lumilitaw na hindi kasabwat ang mga ito sa planong pagpatay sa grupo ni Siman.
Nagpaputok lamang umano ang mga ito bilang suporta sa utos ng isang opisyal ng pulis.
Ang katunayan, ikinagulat mismo ng mga sundalo ang ginawa ng isa sa mga opisyal ng pulis na pagpapaputok sa mga baril ng mga biktima matapos ang engkwentro.
Ayon pa sa DOJ, kung kasabwat ang mga sundalo ay hindi nito ihahayag ang ginawang tampering sa crime scene ni Carracedo. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)