MANILA, Philippines — Hindi bababa sa 10 lugar ang nagdeklara na ng state of calamity matapos ang pananalasa ni super typhoon Yolanda sa Visayas at Southern Luzon.
Kabilang sa mga ito ang munisipalidad ng Daanbantayan, Medellin at San Remegio sa hilagang bahagi ng Cebu na ngayon ay isolated matapos mag-landfall doon ang bagyo.
Nagdeklara na rin ng state of calamity ang mga lokal na pamahalaan ng Calapan City at bayan ng Baco sa Oriental Mindoro pati na sa lalawigan ng Iloilo, Capiz at Negros Occidental.
Anim na bayan naman sa Antique ang isinailalim na rin sa state of calamity, kabilang dito ang Pandan, Sebaste, Culasi, Tibiao, Barbaza at Lawa-an.
Nagdeklara na rin ng state of calamity sa Coron, Palawan at sa lalawigan ng Aklan.
Dahil sa deklarasyon ng state of calamity, ipinatutupad na ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga naturang lugar.
Maaari na ring magamit ng lokal na pamahalaan ang calamity fund at papayagan din ang “no-interest loans” sa mga government financing at lending institutions para sa mga pinaka-apektadong residente. (UNTV News)