NAGA CITY, Philippines – Umaabot sa mahigit isandaang pamilya sa bayan ng Presentacion sa Camarines Sur ang nawalan ng bahay dahil sa paghagupit ng Bagyong Yolanda.
Ang Presentacion ay isa lamang sa mga bayan sa Camarines Sur na nakaranas ng matinding hagupit ni Yolanda.
Kabilang sa mga hinagupit ni Yolanda ang Barangay Bagong Sirang Baliguian, Buenavista, Lagha, Liwacsa, Maangas, Patrocinio at Sta. Maria.
Karamihan sa mga bahay sa nabanggit na barangay ay malapit sa pampang ng dagat kaya’t hinambalos ito ng malalaking alon.
Bukod sa storm surge, nagkaroon din ng landslide sa lugar na sumira sa ilang mga bahay doon.
Pursigido naman ang lokal na pahamalaan ng Presentacion na tulungan ang kanilang mga kababayan upang muling makabangon sa buhay.
Sa ngayon ay hindi pa makapagbigay ng eksaktong halaga ang lokal na pamahalaan kung magkano ang halaga ng mga nasirang ari-arian sa lugar dahil sa nasirang linya ng komunikasyon at transportasyon. (Allan Manansala / Ruth Navales, UNTV News)